Lamig ng kalamnan, nangangatal na lalamunan.
Hapdi ng buong katawan, inalisan ng kalayaan.
Dignidad ay niyurakan, rehas ang kinahantungan.
Pait ng kinabukasan, araw-araw mararanasan.
Ngunit nang buksan ang mata, panaginip lang pala.
Ang sakit at hikbi sa kulungang aking nakita.
Takot ay napawi, kasiyaha'y sumidhi.
Hindi namalayang may bagyong gagawi.
Ngunit hindi ba't ganoon talaga ang mundo?
Kahit tayo'y malaya, nagpapagapos sa kung sino.
Paniniwala at prinsipyo, tinatapon para sa bisyo.
Kibit balikat na lamang makuha lang ang gusto.
Magmulat ng mata ng reyalidad ay makita.
Kung ayaw mong pati sa panaginip, kadiliman ay kainin ka.
Umahon at baguhin, gawaing hindi kaaya-aya.
Ikaw lang ang mag-aalis ng kadena sa'yong paa.
Comments
Post a Comment