Patawad, ngunit iyan ay hindi mo pwedeng idahilan.
Kanilang kinasapitan, hindi ba't sila rin ang may kagustuhan.
"Nalango sa makamundong bagay, nasadlak sa kadiliman."
Hinayaan ang sariling lumubog sa nakasadlakan.
Tanikalang pumulupot sa leeg, kanya lamang hinayaan.
Lubid na gumapos sa kanyang pangarap, niyakap pa at hinangaan.
Hinayaan ang sariling maluklok sa kamandag ng lipunan.
Hindi ba't ito ay kanila ng kasalanan? Pumalag ay hindi man lang naisipan.
Kaya't paanong magbabago ang nakasanayan ng tao?
Kung bawat kibot at galaw, nakabase din sa kung sino sino?
Gaya dito, gaya diyan, mga buhay ng palalo.
Kailan nila mapagtatantong sila muna ang dapat magbago?
Comments
Post a Comment